ITINURO ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang mga mambabatas bilang ugat ng katiwalian sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), bunsod ng tinatawag na budget insertions na kanilang inilalagay sa pondo ng kagawaran.
Sa isang panayam sa radyo DWIZ nitong Sabado, Setyembre 20, sinabi ni Lacson na kung walang inilagay na pondo ang mga senador at kongresista sa district engineering offices ng DPWH, wala sanang maaabusong proyekto.
“Ang talagang pinag-ugatan lawmakers eh. Kasi diyan nagsimula yung pagpapakawala ng pondo na umabot na sa sukdulan hanggang sa pati Saligang Batas naviolate na, kasi tumaas pa ang pondo ng DPWH kaysa sa education sector,” ayon kay Lacson.
Bilang chair ng Senate Blue Ribbon Committee na nagsisiyasat sa anomalya, binigyang-diin ni Lacson na mahirap tukuyin ang mga responsable sa mga nakalipas na budget insertions dahil wala umanong opisyal na record o minutes ng kanilang partisipasyon.
Giit pa niya, nagkakainteres ang ilang mambabatas dahil mayroon na silang mga “paboritong koneksyon” sa loob ng DPWH at patuloy na pinapalawak ang kanilang kita.
Kaugnay nito, sumuporta si Lacson sa panukalang alisin ang unprogrammed funds sa 2026 national budget, na tinukoy ni Senate Finance Committee chair Sherwin Gatchalian bilang “bagong anyo ng pork barrel.”
Sa nakaraang pagdinig ng Blue Ribbon, kinumpirma ni Lacson na may ₱600 milyon na inilaan para sa flood control projects sa Bulacan noong 2023 sa ilalim ng unprogrammed budget katulad ng binanggit ng dating DPWH Bulacan Assistant Engineer Brice Ericson Hernandez sa kanyang testimonya.
Si Hernandez ay nagbunyag na ang nasabing pondo ay inilabas umano ni Senator Joel Villanueva, at 30 porsiyento nito ay napunta bilang “SOP” o kickback.
Ngunit binigyang-diin ni Lacson na nasa balikat ni Hernandez ang burden of proof upang patunayan ang kanyang akusasyon.
Pinayagan itong lumabas ng Senado nang pansamantalang 12 oras upang mangalap ng ebidensya.
“A criminal offense would arise if Brice Hernandez can prove his allegation that he gave a 30 percent kickback. Kung may supporting evidence, maaaring magsimula ng kaso sa Ombudsman, at kalaunan ay sa Sandiganbayan,” paliwanag ni Lacson.
Ayon sa kanya, kinakailangang magprisinta si Hernandez ng mga ledger, tala, o anumang dokumento upang suportahan ang kanyang testimonya. “Hindi pwedeng purong alegasyon lang nang walang ebidensya,” dagdag pa niya.
