DUMAGUNDONG ang lansangan ilang kanto mula Malacañang nang magkagirian ang mga nagpoprotesta at pulis nitong Linggo. Nagliparan ang mga bato, bote at Molotov cocktail, habang isang container van at motorsiklo ang tinupok ng apoy.
Nakatutok lang sa loob ng Palasyo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi sumipot sa UN General Assembly, bagay na kinuwestyon ng kritiko na anila’y takot sa lumalakas na galit ng taumbayan.
Alas-siyete ng gabi, putok ng baril ang umalingawngaw sa Recto Avenue; isang lalaki, duguan at may tama sa leeg, ang bumagsak sa kalsada.
Labing-siyam na menor de edad ang dinampot ng pulisya. Ayon kay DILG Sec. Jonvic Remulla, plano raw ng grupo na pasukin at sunugin mismo ang Palasyo. Giit naman ng Palace spokesperson Claire Castro, halatang “planado” ang gulo.
Pero sa kabila ng karahasan sa Mendiola, nanatiling payapa ang libo-libong nagmartsa sa Luneta, EDSA Shrine at People Power Monument. Plakard laban sa “ghost projects” at sigaw ng “Ibagsak ang kurap!” ang bumalot sa kalsada.
Sa Cebu, mismong Gobernadora Pamela Baricuatro ang nanawagan ng pagbibitiw ni Marcos. Sa Davao, dumalo ang mga anak ni dating Pangulong Duterte sa rally kung saan nanawagan ang ilan na ibalik ang kanilang ama sa Malacañang.
Samantala, yumanig din sa Kongreso nitong nakaraan matapos ang pagbibitiw ni House Speaker Martin Romualdez habang tinanggal sa puwesto si Sen. Chiz Escudero matapos umaming nakatanggap ng P30 milyon mula sa kontraktor ng maanomalyang proyekto.
Ayon kay retired Justice Antonio Carpio, “mas grabe pa” ang korapsyon ngayon kumpara sa panahon ni Marcos Sr. at ang mga netizen, may hinalang posibleng palusot lang ito sa posibleng pagbabalik ng batas militar. Hiling ng lola mula Rizal na si Daisy dela Paz: “Sobra na! Lahat ng kurap, ikulong — pati si Marcos!”
