Mariing pinalagan ng Malacañang ngayong Lunes, Hulyo 20, 2026, ang inilabas na AI-generated video ng Chinese state media na China Daily na naglalarawan sa mga Pilipino bilang unggoy kaugnay ng usapin sa 2016 Arbitral Ruling sa South China Sea.
Sa isang press briefing, kinumpirma ni Palace press officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na napanood na mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naturang video at buong-buo nitong sinusuportahan ang pagkondena ng DFA at DND.
Binigyang-diin ni Castro na labis na nakakasakit at hindi kailanman matatanggap ng kahit sinong Pilipino ang ganitong uri ng bastos at mapang-alipustang paglalarawan sa ating mamamayan.
BASAHIN: Bulgaran na! Cayetano ibinuking ni Lacson sa P6.7-B budget insertions
Aniya, “Kahit sino man na Pilipino, hindi magiging maganda ang pagtanggap, hindi matatanggap yung ganoong paglalarawan na mga Pilipino bilang unggoy.”
Ang pahayag ng Palasyo ay kasunod ng matinding pagtuligsa ng Department of Foreign Affairs (DFA) na naghain na ng pormal na protesta laban sa “racist” na video, gayundin ng Department of National Defense (DND) na nagsabing pambabastos ito sa dignidad ng lahing Pilipino.
Nabatid na ang kontrobersyal na AI video ng Beijing ay bahagi ng kanilang propaganda upang patuloy na balewalain ang probisyon ng international law sa West Philippine Sea.
