MAY dalawang anggulong tinitingnan ang pulisya sa naganap na pagpatay sa babaeng vlogger at malubhang pagkasugat ng kanyang live-in partner sa Caloocan City.
Sa impormasyong nakalap sa Caloocan City Police, bukod sa trabaho bilang vlogger ni Alicia Lipata alyas “Mima Alicia”, iniimbestigahan din nila ang personal niyang alitan sa dating ka-relasyon na humantong pa sa pagsasampa ng kasong may kinalaman sa paglabag sa Violence Against Women and their Children Act at paghahain din ng reklamo laban sa kanya o “charge-counter-charge”.
BASAHIN: Suspek sa pagpatay sa pro-PBBM vlogger tinutugis na
Tinitignan din ng pulisya ang mga nai-post sa social media ng biktima kung saan marami siyang mga maaanghang na komento na may kinalaman sa isyung panlipunan at pulitika na posibleng may mga taong tinamaan at nasaktan sa kanyang pahayag.
Mahalaga rin umano ang magiging pahayag ng live-in partner ng biktima, na kasalukuyang nagpapagaling pa sa pagamutan.
Mayroon na umanong persons of interest ang pulisya na kanilang sinusubaybayan na naka-batay sa nirebisa nilang mga kuha ng CCTV sa lugar. (JUVY LUCERO)
