Matapos himayin ito ng buong Kabinete noong nakaraang Biyernes, Hulyo 10, tuloy tuloy pa rin ang pagrepaso sa panukalang pambansang budget para sa 2027.
Ito ang tiniyak ni Executive Secretary Ralph Recto upang masigurado na ang budget ay ayon sa utos ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pawang mga programa lang na pakikinabangan ng mamamayan ang paglalaanan ng pondo.
Ipinaalala rin ni Recto sa mga ahensya ang tagubilin ng Pangulo na tanging mga proyekto lamang na siguradong mabilis at walang sagabal sa implementasyon ang bibigyan ng prayoridad.
“Kaya dapat pawang nakatugma sa programa ng pamahalaan, ayon sa pambansang plano, at mataas ang pampublikong benepisyo ang maisama sa panukalang gastusin,” aniya ni Recto.
Sa nasabing pulong noong Hulyo 9, iprinisenta ni DBM Secretary Kim de Leon ang tampok na nilalaman ng 2027 National Expenditure Program (NEP) na isinumite sa Pangulo noong Biyernes.
Umaasa si Pangulong Marcos na ang NEP na binalangkas ng DBM ay masusing binusisi at pinag-aralan.
Dumalo rin sa pulong ang mga Kalihim ng mga pangunahing ahensya ng pamahalaan, kabilang sila DepEd Secretary Juan Edgardo Angara, DSWD Secretary Rexlon Gatchalian, DA Secretary Francisco Tiu Laurel, DOLE Secretary Francis Tolentino, at DOE Secretary Sharon Garin. Naroon din ang mga pangunahing opisyal ng DPWH, DOTr, at DOH.
