MAKALIPAS ang halos limang taon na pagtatago, naaresto na ang isang most wanted na rapist sa Lungsod ng Malabon nang matunton ng pulisya sa manhunt operation sa Malolos, Bulacan.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang 44-anyos na akusado ay nakatala bilang No. 5 sa Top Ten Most Wanted Person sa NCRPO, No. 2 sa NPD at No. 1 sa Malabon City Police Station.
Kaagad ikinasa ng mga tauhan ni Malabon Police P/Col. Kenneth Mission ang operation laban sa akusado kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa kinaroroonan nito.
BASAHIN: Viral video ng mga kabataang may baril at patalim sa Caloocan, kontrolado na ng pulisya
Hindi na nakapalag ang akusado nang masukol ng pinagsamang mga operatiba ng Malabon Police Warrant and Subpoena Section at WCPD sa Barangay Tikay, Malolos, Bulacan.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Family Court, Branch 4, Malabon City, noong September 24, 2021, para sa 2 counts of Qualified Rape, Acts of Lasciviousness in relation to Section 5(b) of R.A. 7610 at Section 5(b) of R.A. 7610 (Lascivious Conduct) ay pinosasan ng pulisya ang akusado.
Walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa Qualified Rape habang may inilaang piyansa na P180K sa Acts of Lasciviousness in relation to R.A. 7610 at P200K para sa R.A. 7610 (Lascivious Conduct). (JUVY LUCERO)
