Magiging epektibo lamang ang pagresolba sa paulit-ulit na problema sa pagbaha sa bansa kung ipagkakatiwala na sa private sector ang mga flood control project.
Ito ang binigyang-diin ni dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Greco Belgica, at sinabing kakaunti lamang ang magagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa problema sa baha.
Aniya, ginagawang ilog ng malakas na ulan ang mga kalsada at nalulubog dito ang mga sasakyan, bahay, simbahan, at paaralan.
Ayon kay Belgica, na naglingkod sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, bigo ang pamahalaan sa pagsugpo sa baha dahil sa hindi maayos na pagpapatupad at mabilis na pagkasira ng mga proyekto.
“Kahit gaano pa karaming exposé at kritisismo ang gawin natin para matigil ang korapsyon sa pamahalaan at sa mga proyekto sa flood control, tila walang nagbabago. Hindi pa rin tayo pinakikinggan,” ani Belgica.
BASAHIN: GSIS handang magpautang ng hanggang P40K emergency loan sa mga sinalanta ng bagyo
Aniya, hangga’t gobyerno ang humahawak ng mga proyektong ito, patuloy na sisirain ng katiwalian ang implementasyon ng mga ito.
Inimungkahi ni Belgica na ang pinakamainam na hakbang ay ibigay sa mga pribadong kumpanya ang pamamahala at puhunan sa flood control systems.
Kapalit nito, magkakaloob ang pamahalaan ng mga insentibo at programa para makakuha ng makatwirang kita ang mga mamumuhunan.
Kabilang sa mga insentibong maaaring ibigay ay ang pagpapahintulot sa mga investor na magtatag ng mga bagong central business district, integrated township, at cyberpark na makalilikha ng milyun-milyong trabaho at makatutulong pa sa pagpapababa ng singil sa kuryente.
Binigyang-diin ng dating PACC chief na hindi madalas bahain ang mga lugar na binuo ng private sector tulad ng Bonifacio Global City (BGC), Ortigas Center, at Makati CBD. Malayo raw ito sa mga pampublikong proyekto sa flood control na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso ngunit nananatiling hindi epektibo.
Dahil sariling kapital ang gagamitin ng mga pribadong kumpanya, naniniwala si Belgica na gagamit ang mga ito ng mga makabagong teknolohiya at mababawasan din ang oportunidad para sa korapsyon sa pamahalaan.
