Inihayag ni dating Presidential Adviser for Political Affairs Gabby Claudio na sakaling mahatulan ng conviction si Vice President Sara Duterte sa kaniyang impeachment trial sa Senado, ang pag-endorso na lamang ng mananukin na kandidato sa 2028 ang pinakamagandang natitirang political option para sa kaniya.
Isinagawa ni Claudio ang naturang pagsusuri sa programang “The Spokes” ng Bilyonaryo News Channel sa gitna ng mga proseso sa Senado at sa naunang pahayag ng Bise Presidente na plano nitong tumakbo sa pagka-pangulo.
Nilinaw ni Claudio na sa legal na proseso ay pormal nang impeached si Duterte matapos aprubahan ng Kamara ang Articles of Impeachment, at ang nakatakda na lamang desisyunan ng Senado ay kung ito ay hahatulang guilty o acquitted.
Binigyang-diin niya na dalawang mabigat na parusa ang kahaharapin ng Vice President kapag nahatulan: ang pagkatanggal sa pwesto at ang perpetual disqualification o permanenteng diskwalipikasyon sa pagtakbo sa anumang halalan sa hinaharap.
Iginiit pa ng dating opisyal na kapag naging pinal ang hatol ng impeachment court — maliban na lamang kung mababaligtad ito ng Supreme Court — magiging napakalimitado na ng legal at political moves ni Duterte.
Dahil dito, ang pinakamainam nitong hakbang ay ang pumili at mag-endorso ng isang kandidatong makapagtataguyod ng kaniyang mga advocacy at interes sa 2028 national elections.
