Nakatutok at binabantayan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang epekto ng matinding pagbaha dulot ng hanging Habagat, lalo na sa mga rehiyong nakakaranas ng mabilis na pagtaas ng antas ng tubig sa mga dam at reservoir sa bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, agad na inatasan ng Pangulo ang mga nakatutok na ahensya ng gobyerno na itaas ang kani-kanilang alert status at magkaroon ng maayos na koordinasyon kaugnay ng pagpapakawala ng tubig sa mga dam upang mailigtas ang mga komunidad at kritikal na pasilidad.
Binigyang-diin ni Castro na nakatutok din ang Malacañang sa mga lugar sa Central Luzon na umaapaw na ang tubig dahil sa paglampas sa critical threshold.
Nananatili namang nakalubog sa baha ang maraming lugar sa Metro Manila at patuloy na umaapaw ang mga ilog sa karatig-probinsya dahil sa walang patid na pag-ulan nitong mga nakalipas na araw.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ang pagkalap ng pormal na ulat kaugnay ng kabuuang pinsala sa agrikultura, ari-arian, at sa posibleng bilang ng mga nasaktan o pumanaw dulot ng pinagsamang epekto ng Bagyong Maymay at Habagat.
