Kulong ang isang senior citizen matapos nitong paulit-ulit na saksakin ng basag na bote ng alak ang isang 45-anyos na lalaki sa Kapitan Tinoy Street, Barangay La Huerta, Parañaque City noong Linggo ng gabi, Agosto 9, 2026.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si alias “Onofre”, 65, residente ng Barangay San Dionisio sa nasabing lungsod.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng Sto. Niño Police Sub-Station na naganap ang insidente humigit-kumulang alas-7:00 ng gabi matapos sitahin ng suspek ang biktima dahil sa umano’y pagkuha nito sa kaniyang kariton nang walang pahintulot.
Sa gitna ng matinding pagtatalo, nagdilim ang paningin ng suspek, kumuha at nagbasag ng bote ng alak, at ginamit ito upang saksakin ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan bago itinapon ang bote sa sapa.
Agad na naaresto ng mga barangay tanod at tumutugong pulis ang suspek habang isinugod naman sa Ospital ng Parañaque ang biktima bago inilipat sa Las Piñas General Hospital kung saan ito kasalukuyang ginagamot.
Pinuri ni Southern Police District Director PBGen Glenn Oliver C. Cinco ang mabilis na aksyon ng mga awtoridad habang inihahanda na ang kasong Frustrated Murder laban sa senior citizen.
