Rehas ang bagsak ng dalawang lalaki na itinuturing na repeat offenders matapos silang mahuli sa aktong nagnanakaw ng generator-type welding machine na nagkakahalaga ng P120,000 sa Barangay Tandang Sora, Quezon City.
Kinilala ng Talipapa Police Station (PS 3) ang mga suspek na sina alias “Kulas”, 54, at alias “Boyet”, 35, na parehong residente sa nasabing barangay.
Naganap ang pag-aresto noong tanghali ng Agosto 8 matapos marinig ng liaison officer ng construction corporation ang kaduda-dudang kalabog sa loob ng pasilidad.
Nang siyasatin, nahuli si “Kulas” habang binabaklas ang kagamitan, kung saan inamin nito ang krimen at inilaglag ang kasabwat na si “Boyet”.
Agad na kinalos ng mga nakatutok na Barangay Public Safety Officers (BPSO) ang dalawa at itinurn-over sa pulisya kasama ang nabawing makina.
Lumabas sa imbestigasyon na si “Kulas” ay 15 taon nang nagtatrabaho bilang dump truck driver sa kumpanya habang si “Boyet” naman ay utility driver sa ibang construction firm.
Napag-alaman ding parehong may mga nakaraang kasong kriminal ang dalawa.
Pinuri naman ni QCPD District Director PBGen Randy Glenn Silvio ang kahandaan at bilis ng pakikipagsumbong ng komunidad upang agad na masakote ang mga suspek na pormal nang kakasuhan ng Qualified Theft.
