Ipinag-utos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ang pagsibak sa pwesto sa dalawang matataas na opisyal ng Corrections Institution for Women (CIW) kaugnay ng malalimang imbestigasyon sa umano’y nawawalang P6 milyong trust fund ng mga Person Deprived of Liberty (PDL).
Ang mga relieved officers ay sina CIW Superintendent C/SSupt. Daisy Sevilla-Castillote at Deputy Superintendent C/SSupt. Marites Lebardo habang inilipat naman kay CT/SInsp. Lariza Martin ang pamamahala bilang Acting Superintendent ng pasilidad.
Samantala, nakatutok din ang mga awtoridad sa paghahanap sa PDL Trust Fund Officer na si CO2 Bianca Ramos na naitalang absent without leave (AWOL) mula pa noong Hulyo 29, 2026.
Humingi na ng tulong ang BuCor sa Muntinlupa Police Station upang matunton si Ramos para magbigay-linaw sa nawawalang pondo.
Nag-utos na rin si Catapang sa Internal Audit Service Unit at Directorate for Intelligence and Investigation na magsagawa ng parallel investigation para matukoy ang pananagutan ng mga nakalipas at kasalukuyang opisyal.
Hindi naman maitago ni Catapang ang kaniyang matinding pagkadismaya habang nangakong papanagutin ang lahat ng sangkot sa katiwalian sa oras na matapos ang imbestigasyon.
“Kung totoo na may nawawalang pondo na humigit-kumulang P6 milyon, hindi ito nangyari nang overnight. Masakit sa kalooban ko na pilit nating inaayos ang Bureau of Corrections tapos ‘yung mismong tao natin ang mai-involved sa katiwalian,” pahayag ni Catapang.
