Ginanap nitong Lunes, Hunyo 22, ang isang 'Meet and Greet' activity sa pagitan ng Eastern Police District (EPD) at mga kasapi ng media sa Pasig City. Pinangunahan ito ni Acting District Director PBGen Melecio M Buslig, Jr. upang mas patatagin ang ugnayan ng kapulisan at mga mamamahayag. (Photo: EPD)
Pinalakas ng Eastern Police District (EPD) ang pakikipagtulungan nito sa mga mamamahayag sa pamamagitan ng isang Meet and Greet activity na ginanap sa EPD Conference Room, Caruncho Avenue, Pasig City nitong hapon ng Lunes, Hunyo 22, 2026.
Ayon sa EPD, layunin ng hakbang na ito na isulong ang transparency, public awareness, at mabilis na pagpapakalat ng tumpak na impormasyon para sa lahat, alinsunod sa kanilang commitment na magkaroon ng mapayapa at maunlad na lipunan.
Pinangunahan ang aktibidad ni PBGen Melecio M. Buslig, Jr., Acting District Director ng EPD, kasama ang EPD Command Group, kabilang ang District Quad Staff.
Pinangasiwaan naman ito ng District Public Information Office (DPIO) sa ilalim ng pamumuno ng hepe nito na si PCPT Resel E. Guevarra.
BASAHIN: 8 suspek sa carnapping, arestado ng EPD sa loob ng 24 oras
Isa sa mga naging tampok sa aktibidad ang pagpapakilala sa EPD OPLAN S.H.I.E.L.D., isang estratehikong programa sa pagpapatupad ng batas na nagsusulong ng maagap, tumutugon, at epektibong modernong pagpapatrulya.
Nakatakdang opisyal na ilunsad ang naturang programa sa mga susunod na araw bilang bahagi ng mas pinalakas na kampanya ng EPD para sa kaligtasan ng publiko, seguridad, at pagpigil sa krimen sa buong silangang bahagi ng Metro Manila.

Nagkaroon din ng open forum kung saan aktibong nagtanong ang mga kinatawan ng iba’t ibang organisasyon ng media hinggil sa mga plano, programa, at hakbang ng EPD laban sa krimen at sa pagpapanatili ng kapayapaan.
Agad naman itong sinagot at binigyang-linaw ng mga opisyal ng EPD upang ipakita ang kanilang kahandaan sa pagtugon sa pangangailangan ng komunidad.
Binigyang-diin ni PBGen Buslig ang kahalagahan ng bukas na komunikasyon at 24/7 na koordinasyon sa pagitan ng kapulisan at ng media.
“Ang media ang isa sa aming pinakamalakas na katuwang sa pagtataguyod ng transparency at public trust. Sama-sama nating masisiguro na ang tumpak na impormasyon ay makakarating sa mamamayan,” pahayag ni Buslig.
Bilang pagtugon, muling nangako ng suporta ang mga mamamahayag na naroon upang tumulong sa pagpapakalat ng tamang balita at sa pagtatampok ng mga magagandang gawain at tagumpay ng mga tauhan ng PNP sa paglilingkod at pagprotekta sa publiko.
