Kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na higpitan ang pagpapatupad ng mga panuntunan sa kaligtasan sa kalsada, nagpalabas ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa isang kumpanya ng bus matapos mag-viral ang video nito habang nagka-counterflow sa lungsod.
Ang mabilis na aksyong ito ay isinagawa ng LTFRB sa ilalim ng gabay ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez at sa pamumuno ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza.
Pinasalamatan din ni Chairman Mendoza ang mga netizen na mabilis na nag-tag sa ahensya matapos mapanood ang video kung saan makikitang nang-agaw ng linya ang bus para mag-overtake sa kabila ng dumarating na sasakyan sa kabilang direksyon.
“Ang desisyon ng mga netizen na ipabatid sa amin ang video ay naglaro ng mahalagang papel para kami sa LTFRB ay makaaksyon sa insidenteng ito. Sa oras na mapanood namin ang video, agad kaming nagpalabas ng SCO sa kumpanya ng bus,” pahayag ni Chairman Vigor.
Sa nasabing video, makikitang hinarap ng driver ng isang pribadong sasakyan ang pasaherong bus na may rutang Sapang Palay-NIA matapos nitong piliting pumasok sa kasalungat na linya para mag-overtake sa gitna ng trapiko. Bagamat bumalik din sa tamang linya ang driver ng bus, narinig pa itong nakikipagtalo sa driver ng pribadong sasakyan.
Sa SCO na ipinadala sa San Jose Del Monte Transport Corp., inatasan ang kumpanya na magpaliwanag sa pamamagitan ng isang notarized affidavit kung bakit hindi sila dapat patawan ng parusa sa pagkuha ng isang iresponsableng driver.
Inubliga rin ang kumpanya ng bus na magsumite ng kanilang drivers training program at patunay ng pagsunod sa “extraordinary diligence” o labis na pag-iingat. Itinakda ang pagdinig sa Hulyo 9, kung saan binalaan ang kumpanya sa mga posibleng kahinatnan kung hindi sila sisipot.
“Hindi ito simpleng paglabag sa kalsada. Kami sa LTFRB ay palaging itinuturing na seryosong usapin ang paglabag ng mga PUV drivers sa road safety rules dahil buhay at kaligtasan ng mga pasahero ang nakataya rito,” ani Chairman Vigor.
Dagdag pa niya, ang bawat paglabag ay pagkasira rin sa tiwala ng pamahalaan na ipinagkaloob sa kanila para mag-operate ng pampublikong sasakyan. Nagbabala rin si Mendoza sa lahat ng driver at operator na seryoso ang ahensya sa pagpapatupad ng kaligtasan sa kalsada.
Sa kasalukuyan, mahigit 700 kumpanya ng transportasyon na ang nakatanggap ng SCO mula sa LTFRB habang patuloy nitong pinalalakas ang kampanya para sa kaligtasan at komportableng pagbibiyahe ng milyun-milyong pasahero sa buong bansa.
