Bantay-sarado ng mga tauhan ng Eastern Police District (EPD) ang labas ng mga paaralan sa Metro East upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro laban sa anumang banta ng krimen. Ang pinalakas na presensyang ito ay bahagi ng direktiba ni EPD Acting District Director PBGen Melecio M Buslig, Jr. na gawing prayoridad ang seguridad sa sektor ng edukasyon. (Larawan mula sa EPD)
Mas pinaigting ng Eastern Police District (EPD) ang mga hakbangin nito sa seguridad sa pamamagitan ng pagpapalakas ng police visibility at pagbabantay sa iba’t ibang paaralan sa buong Metro East, kabilang ang mga lungsod ng Pasig, Mandaluyong, Marikina, at San Juan.
Ang hakbang na ito ay sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Melecio M. Buslig, Jr., Acting District Director ng EPD, bilang pagpapakita ng kanilang commitment sa kaligtasan ng publiko at proteksyon ng mga kabataan.
Bilang bahagi ng programa, estratehikong ipinakalat ang mga tauhan ng pulisya sa school premises.
Layunin nitong magbigay ng seguridad, mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, at mapigilan ang anumang banta ng krimen—partikular na sa oras ng papasok at labasan ng mga estudyante.
Ayon sa EPD, ang mas pinalakas na presensya ng mga pulis ay bahagi ng kanilang produktibong diskarte upang maibalik ang kumpiyansa at kapanatagan ng loob ng mga mag-aaral, guro, at mga magulang.
Katulong din ng pulisya sa hakbang na ito ang pamunuan ng mga paaralan at mga lokal na lider sa komunidad.
BASAHIN: EPD, pinalakas ang partnership sa media para sa transparent public information
Sa pamamagitan ng patuloy na pagbabantay, visibility patrols, at pakikipag-ugnayan sa komunidad, nananatili ang EPD sa kanilang misyon na pangalagaan ang kapakanan ng publiko upang magpatuloy ang ligtas at maayos na pag-aaral ng mga kabataan.
Binigyang-diin ni PBGen Buslig, Jr. na hindi nila tatantanan ang pagbabantay upang masigurong ligtas ang sektor ng edukasyon.
“Ang kaligtasan at seguridad ng ating mga estudyante, guro, at mga magulang ang nananatili nating pangunahing prayoridad. Sa pamamagitan ng mas pinalakas na presensya ng pulisya at aktibong koordinasyon sa mga awtoridad ng paaralan, nakatuon tayo sa pagbibigay ng isang ligtas na kapaligiran kung saan maaaring umunlad ang pag-aaral at ang bawat miyembro ng komunidad ng paaralan ay protektado,” pahayag ni Buslig.
