Nagmartsa patungo sa central office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon City ang mga katutubo mula sa Kasibu at Dupax del Norte, Nueva Vizcaya, kasama ang mga environmental advocate, ngayong Martes, Hulyo 14, 2026.
Layunin ng kilos-protesta na kalampagin ang kagawaran upang bawiin at kanselahin ang exploration permit na ipinagkaloob sa North Luzon Mineral Resources Corporation (NLMRC).
Ayon sa mga nagpoprotesta, ang naturang permit—na inaprubahan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng DENR noong Hulyo 2025—ay sumasaklaw sa 4,456 ektarya ng lupain ng komunidad. Iginiit ng grupo na nasasakop nito ang mga ancestral domain claim o lupang ninuno ng mga katutubo sa Kasibu.
Bukod dito, ibinunyag din ng mga apektadong komunidad na sinimulan na ang mga drilling operation o pagbabarena sa lugar nang walang Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) o malayang pahintulot mula sa mga katutubong pamayanan.
BASAHIN: Iba’t Ibang Pangkat ng Kabataan, Naglunsad ng ‘National Youth SONA Action Day’ para sa Hulyo 22
Binigyang-diin ng mga grupo na ang kawalan ng konsultasyon at pahintulot ay isang malinaw na paglabag sa Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) o Batas para sa Karapatan ng mga Katutubo.
Hinihintay pa sa kasalukuyan ang opisyal na pahayag ng DENR at ng pamunuan ng NLMRC hinggil sa ginawang pagkilos at mga alegasyon ng mga katutubo.
