Nagkaisa ang iba’t ibang grupo ng kabataan at mga lider-estudyante mula sa iba’t ibang panig ng bansa na ilunsad ngayong Lunes, Hulyo 13, 2026, ang “National Youth SONA (State-of-the-Nation Address) Action Day.”
Ang malawakang kilos-protesta ay nakatakdang ganapin sa darating na Hulyo 22, apat na araw bago ihatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang ikalimang SONA sa Batasang Pambansa Complex.
Sa pamumuno ng Akbayan Youth at Student Council Alliance of the Philippines (SCAP), pagsasamahin ng kampanya ang mga mag-aaral, kabataang manggagawa, mga bagong botante, at iba’t ibang organisasyon sa mga sabay-sabay na pagkilos sa buong bansa.
Ayon kay Euel Santos mula sa Akbayan Youth at isang engineering student sa University of the Philippines (UP) Diliman, kabilang sa mga tampok na aktibidad sa malawakang mobilisasyon ay ang pagsasagawa ng isang human chain at candlelight ceremony sa kahabaan ng Katipunan Avenue sa Lungsod Quezon na magsisilbing simbolo ng pagkakaisa at determinasyon ng kabataan na ipaglaban ang mas magandang kinabukasan.
Binigyang-diin naman ni Khylla Meneses, ang pambansang tagapangulo ng Akbayan Youth, na ang tunay na sitwasyon ng kabataan ay hindi ang maririnig sa opisyal na ulat ng Pangulo, kundi ang mga silid-aralan na kulang sa guro, mga mag-aaral na napipilitang huminto dahil sa kahirapan, at ang henerasyong unti-unti nang naiiiwan. Isinagawa ang naturang paglulunsad sa opisina ng Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM) sa Lungsod Quezon.
Ipinaabot din ng mga lider-estudyante ang kanilang pagkadismaya sa kasalukuyang sistema ng edukasyon at ekonomiya sa bansa.
Ayon kay Thea Mangussad, tagapangulo ng UP Alyansa at isang third-year student sa UP Diliman, ang edukasyon na dapat sana ay magbubukas ng mga oportunidad ay nag-iiwan lamang sa mga nagtapos sa ilalim ng kawalan ng trabaho, mababang pasahod, at hindi siguradong hanapbuhay.
Bukod sa usapin ng edukasyon at trabaho, nagpahayag din ng matinding alalahanin si Meneses ukol sa lumalalang krisis sa mental health at ang pagtaas ng mga insidente ng karahasan sa loob ng mga paaralan.
Iginiit ng grupo na hindi na dapat itinuturing na opsyonal lamang ang suporta sa mental health at ang pagkakaroon ng ligtas na espasyo sa pag-aaral, at responsibilidad ng pamahalaan na maglaan ng sapat na pondo para dito.
