Nilinaw ng Malacañang na ang hayagang pagtutol ng United States (US) sa International Criminal Court (ICC) ay sariling polisiya ng Amerika at hindi dapat ituring na paninindigan din ng Pilipinas.
Ito ang binigyang-diin ni Communications Undersecretary Claire Castro matapos ipahayag ni US Secretary of State Marco Rubio na maglulunsad ang administrasyong Trump ng mga hakbang upang kalampagin at lansagin ang itinuturing nitong “banta” ng ICC sa soberanya ng US.
“Hindi sakop ng ating gobyerno ang polisiya ng bansang US,” pahayag ni Castro sa isang mensahe sa mga mamamahayag.
BASAHIN: Palasyo: ‘Ang pagbabanta ay pagbabanta, nanay ka man o Vice President’
Ayon kay Rubio, mariing tinatanggihan ng Washington ang awtoridad ng ICC sa kanilang bansa. Ito ay pagpapatuloy lamang ng matagal nang posisyon ng US na hindi dapat saklawin ng hukuman ang mga Amerikanong mamamayan, partikular na ang mga miyembro ng kanilang militar.
Gayunman, nilinaw ng Palasyo na independyente ang polisiya ng US sa Pilipinas, lalo pa’t kasalukuyang nakikipagtulungan ang pamahalaang Pilipino sa naturang tribunal kaugnay ng kasong crimes against humanity for murder laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasalukuyan nang nasa ilalim ng kustodiya ng ICC sa The Hague, Netherlands si Duterte para sa mga serye ng patayan na iniuugnay sa kontrobersiyal na kampanya laban sa ilegal na droga ng kanyang administrasyon.
Kinumpirma ng ICC Pre-Trial Chamber ang mga habla noong Abril, at itinakda ang paglilitis sa darating na Nobyembre 30.
Bagamat kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019 sa ilalim ng pamumuno ni Duterte, nanindigan ang ICC na may hurisdiksyon pa rin ito sa mga umanong krimeng naganap noong panahong kasapi pa ng kasunduan ang bansa.
