Bagsak sa kulungan ang dalawang kalalakihan matapos maaktuhang nagsusugal at makuhanan pa ng ilegal na droga sa kahabaan ng Crispulo St., Brgy. 180, Caloocan City, madaling araw nitong Martes, Enero 6, 2026.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Alyas “Pasyong” at Alyas “Ikoy”. Ayon sa ulat, bandang alas-12:30 ng madaling araw nang madakip ang dalawa sa aktong paglalaro ng ilegal na sugal. Sa gitna ng pag-aresto, nakitaan din ang isa sa mga suspek ng hinihinalang ilegal na droga na nasa kanyang pag-iingat.
Ang operasyon ay isinagawa ng mga tauhan ng Police Sub-Station 15 Amparo, Caloocan, sa ilalim ng pamumuno at mandato ni Police Lieutenant Gabrielle Serrano, Station Commander.
Naging matagumpay ang paghuli dahil na rin sa pinaigting na pakikipagtulungan at koordinasyon ng mga opisyal ng barangay at ng mga operatiba ng pulisya sa komunidad.
Sa kasalukuyan, nasa kustudiya na ng Caloocan Police ang mga suspek at nakatakdang isailalim sa kaukulang medikal na pagsusuri bago sampahan ng mga kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 (Illegal Gambling) at Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Patuloy ang paalala ng kapulisan sa publiko na iwasan ang mga ilegal na aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lungsod. (Ulat ni Respondeng Rakistah)
