Photo: San Beda University
Nabulabog ang mga estudyante, magulang, at pamunuan ng San Beda University sa Taytay, Rizal dahil sa bomb “joke” ng isang netizen sa comment section ng isang Facebook post nitong July 19.
“Bombahin na itong SBC Rizal. Hehe,” ayon sa comment ng isang alyas “Juan Miguel Rodriguez”sa FB page ng student group na PULA.
Dahil sa posibleng banta sa seguridad, hindi ito pinalampas ng Security Officer-in-Charge ng pamantasan na si alyas “Roel” at agad na humingi ng saklolo sa Taytay Municipal Police Station (MPS).
Mabilis namang nagkasa ng paneling operation ang mga awtoridad kasama ang Rizal Provincial Explosives and Canine Unit (PECU) upang galugarin ang buong pasilidad ng paaralan sa Havila Main Road, Barangay San Juan upang masigurong walang anumang patibong o totoong bomba sa paligid.
BASAHIN: Alitan sa dating karelasyon at maaanghang na post tinitignang anggulo sa pagpatay kay ‘Mima Alicia’
Nagpaalala naman ang pulisya sa publiko na ang pagbibiro o pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa bomba ay isang seryosong krimen.
Kasalukuyan nang ginagawa ng mga imbestigador ang kailangang legal na hakbang upang matukoy at mapanagot ang suspek sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727 o ang Anti-Bomb Joke/Threat Law na nagpapataw ng mabigat na parusang pagkabilanggo at multa sa mga lalabag dito.
