Timbog sa magkasunod na operasyon ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang suspek matapos nilang holdapin at tangayan ng mamahaling iPhone 17 Pro Max at Samsung phone ang isang 26-anyos na Moroccan national sa White Plains Avenue, Brgy. Ugong Norte, Quezon City.
Sa ulat ni QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio, kinilala ang mga suspek na sina alyas “HAR”, 28, na nahuli sa Sta. Ana, Manila, at ang kaniyang kasabwat na si alyas “MIG”, 40, na nadakip sa kaniyang tinitirhan sa Barangay Mayamot, Antipolo City.
Naituro ang mga suspek matapos suriin ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at Eastwood Police Station (PS 12) ang mga nakalap na CCTV footage sa lugar.
Sa ginawang imbestigasyon, ibinunyag ng mga suspek na naibenta na nila ang mga ninakaw na telepono sa isang alyas “Bato.”
BASAHIN: San Beda University sa Rizal binulabog ng ‘bomb joke’
Lumabas din sa rekord ng pulisya na si alyas “MIG” ay isang notoryus na recidivist na ilang beses ng nahuli mula 2023 hanggang 2025 para sa mga kasong Theft, Anti-Carnapping, at paggamit ng pekeng pangalan, habang si “HAR” naman ay dati ring nakulong sa kasong pagnanakaw noong 2016.
Pormal nang kinilala ng dayuhang biktima ang dalawa sa PS 12 at kasalukuyan nang nakasampa ang kasong Robbery with Intimidation of Persons laban sa kanila sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Tiniyak naman ni PBGen. Silvio na patuloy na magiging mabilis at maagap ang aksyon ng QCPD upang mapanatiling ligtas ang mamamayan at mga dayuhang bisita laban sa mga ganitong uri ng kriminalidad sa lungsod.
