Nagbabalik sa Executive branch ang veteran lawmaker at dating Albay Governor na si Joey Salceda matapos siyang italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang bagong pinuno ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) ngayong Martes, Hulyo 21, 2026.
Ayon sa Malacañang, hahawakan ni Salceda ang ranggong Cabinet Secretary upang maging pangunahing tulay o tagapamagitan sa pagitan ng Palasyo at ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Pinalitan ni Salceda ang dating pinuno ng tanggapan na si Adrian Bersamin, na nagbitiw bilang Undersecretary noong Nobyembre 2025 kasunod ng kaniyang diumano’y pagkakadawit sa kontrobersya ng flood control projects.
BASAHIN: Lt. Gen. Antonio Nafarrete, bagong AFP chief
Ang pagkakatalaga kay Salceda ay naganap dalawang buwan matapos magwakas noong Mayo 13 ang one-year ban sa pag-appoint ng mga natalong kandidato sa nagdaang Mayo 2025 midterm elections, kung saan kinapos siya laban kay dating gobernador Noel Rosal.
Hindi na baguhan si Salceda sa gawaing lehislatibo at ehekutibo matapos itong maglingkod nang mahabang panahon bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Albay at humawak ng mga mahahalagang komite tulad ng Appropriations, Ways and Means, at Economic Affairs.
Magugunita rin na noong 2007 ay panandalian siyang naglingkod bilang Chief of Staff sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
