Ipapatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Martes ng gabi, Hulyo 21, 2026, si Chinese Ambassador Jing Quan sa Malacañang kasunod ng panibagong marahas na tensyon sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Nag-ugat ang pormal na pagpatawag matapos pinalibutan at ginulo ng China Coast Guard (CCG) ang BRP Sierra Madre nitong Hulyo 20, kung saan pinukpok ng wooden baton sa ulo ng CCG personnel ang isang sundalong Pilipino na nagtamo ng malalim na sugat nang subukan ng Philippine Navy na itaboy ang kanilang rubber boat.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ipinatawag ni Marcos si Ambassador Jing mula nang italaga ito sa bansa noong Disyembre 2025.
BASAHIN: PBBM PINALAGAN ANG AI VIDEO NG TSINA NA GINAWANG UNGGOY ANG PILIPINO
Naganap ang insidente habang nasa Maynila ang Chinese Foreign Minister na si Wang Yi at US Secretary of State Marco Rubio para sa ASEAN meetings, at habang mainit pa ang usapin sa racist AI video ng China Daily na naglarawan sa mga Pilipino bilang unggoy.
Samantala, mabilis namang pinalagan at kinondena ng US State Department, kasama ang mga embahador ng Australia at Japan, ang patuloy na pambu-bully at panggugulo ng Tsina sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Muling binigyang-diin ng pamahalaang US na pinal at legally binding ang 2016 Arbitral Award, habang tiniyak nito ang buong suporta sa Pilipinas bilang treaty-ally sa ilalim ng Mutual Defense Treaty.
