Pinayuhan ni dating Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo si Vice President Sara Duterte na sampahan ng kasong civil para sa damages at criminal na malicious prosecution ang mga taong nagdemanda sa kaniya kapag napatunayang walang kasalanan ang Bise Presidente sa nagpapatuloy na impeachment trial.
Isinulong ito ni Panelo matapos lumabas ang ulat na tinanggihan ng Senado ang hiling na sagutin ang pagkain at inumin ng defense team at mga testigo ng OVP dahil sa kawalan ng malinaw na pondo at seguridad.
Binigyang-diin ng abogado na dehado ang idinidemanda dahil habang sariling pera ang ginagastos nito sa abogado at pang-araw-araw na pangangailangan, ang mga kongresista namang nagdedemanda ay gumagamit ng public funds at allowances.
Kaugnay nito, binigyang-pansin din ni Panelo ang pahayag ng Malacañang hinggil sa kawalan ng pangangailangan para sa loyalty check sa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sa kabila ng imbestigasyon ng NBI sa ilang aktibong sundalo na sangkot umano sa banta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa dating opisyal, tama lamang na huwag nang magkarooon ng loyalty check dahil sa kaniyang tingin ay batid na rin naman ng gobyerno at ng militar kung sino ang kani-kanilang mga kakampi at kaanib sa kasalukuyang situwasyon.
Samantala, muling nanawagan si Panelo sa administrasyong Marcos na baguhin ang patakarang panlabas o foreign policy ng bansa at itigil ang sobrang pagdepende sa Estados Unidos ukol sa sigalot sa West Philippine Sea.
Giit niya, mas makabubuting magkaroon ng direktang diplomatikong pag-uusap at bumuo ng “modus vivendi” o temporaryong kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina upang maiwasan ang girian na muling magdudulot ng panganib sa mga sundalo at mangingisdang Pilipino sa laot.
