Sentensiyado ng hanggang 19 taong pagkabilanggo para sa 10 counts ng malversation of public funds through falsification si dating Department of Agrarian Reform (DAR) Undersecretary Jerry Pacturan at ang sinasabing “pork barrel scam queen” na si Janet Lim-Napoles matapos mapatunayang guilty ng Sandiganbayan Sixth Division.
Batay sa 237-pahinang desisyon ng anti-graft court, nag-ugat ang kaso sa paglipat ng P50 milyong pondo ng DAR para sa hindi naipatupad na farm input assistance projects para sa mga magsasaka sa mga lalawigan sa Luzon.
Lumabas sa imbestigasyon at testimonya ng mga alkalde at saksi tulad ni Benhur Luy na pumirma si Pacturan sa mga Memorandum of Agreement (MOA) sa 10 pekeng NGO na kontrolado ni Napoles kahit walang kaukulang awtorisasyon at kabatiran ang mga pamahalaang lokal.
Bagama’t pinawalan sala si Pacturan sa kasong graft dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya sa pangkalahatang intensyon, napatunayan pa rin siyang guilty sa malversation kasama si Napoles na napatawan din ng hiwalay na parusa sa kasong graft.
Bukod sa parusang pagkabilanggo at habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng pwesto sa gobyerno, inatasan din ng Sandiganbayan sina Pacturan, Napoles, at ang staff nitong si Evelyn de Leon na isauli sa kaban ng bayan ang kabuuang P50 milyong nakuha nilang pondo.
Samantala, naglabas din ang korte ng alias warrant of arrest laban sa iba pang dating opisyal ng DAR na sina Rowena Agbayani at mga kasabwat na nagtatago pa rin sa batas.
