Ligtas at walang anumang pinsala sa katawan na naisalba ng mga elemento ng Police Regional Office 5 (PRO-5) ang isang ina at apat nitong anak matapos silang gawing hostage ng sarili nilang ama sa kanilang tahanan sa Libon, Albay ngayong Biyernes, Hulyo 24, 2026.
Ayon kay PRO-5 spokesperson Lt. Col. Malu Calubaquib, mabilis na nag-responde ang pulisya matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga barangay official ukol sa nagaganap na tensyon sa lugar.
Nang dumating ang mga awtoridad sa lugar, naabutan ang amang suspek na may hawak na kahoy at basag na bote habang nakabaligtad pa nitong hawak ang kaniyang pinakabatang anak.
BASAHIN: San Beda University sa Rizal binulabog ng ‘bomb joke’
Personal na pinangunahan nina Albay Police Director Col. Noel Nuñez at Libon Chief of Police Maj. Christian Brual ang negosasyon, ngunit dahil sa patuloy na pagmamatigas ng suspek ay nagpasya ang pulisya katuwang ang SAF at Mobile Force Company na magpatupad ng controlled entry para sa kaligtasan ng pamilya.
Agad na nadakip ang suspek habang ligtas namang naisugod ang ina at mga bata para sa kanilang medico-legal examination at Psychological Counseling.
Pinuri naman ni PRO-5 Regional Director Brig. Gen. Erosito Miranda ang kahusayan at pag-iingat ng mga pulis na nagresulta sa mabilis at payapang pagresolba sa insidente nang walang sinumang nasaktan.
