Nagpahayag ng kahandaan ang Malacañang ngayong Biyernes, Hulyo 24, 2026, na patuloy na makikipagpulong sa pamahalaan ng Estados Unidos matapos maglabas ang Office of the United States Trade Representative (USTR) ng desisyong patawan ng karagdagang 12.5-percent tariff ang mga produktong nagmumula sa Pilipinas.
Ayon sa imbestigasyon ng USTR, nabigo umano ang bansa na ipatupad ang pagbabawal sa mga produktong gawa sa forced labor.
Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na iginagalang ng Pilipinas ang proseso ng US ngunit malinaw nitong ipinaalala na may umiiral at matatag na polisiya ang gobyerno laban sa forced labor.
BASAHIN: Matapos ang hatawan… Barko ng Pilipinas, binomba na naman ng water cannon ng China
Katunayan, nitong Miyerkules lamang ay naglabas ng Joint Administrative Order ang DTI, DOF, at DOLE upang magtatag ng mas mahigpit na mekanismo laban sa pagpasok ng mga ganitong uri ng produkto sa merkado.
Tiniyak naman ni Trade Secretary Ma. Cristina Roque na mananatiling prayoridad ng bansa ang matatag na relasyong pangkabuhayan sa Amerika habang sinusuri ang magiging epekto ng bagong buwis sa mga lokal na negosyo.
Binigyang-diin ni Roque na ang mga pangunahing export ng Pilipinas—tulad ng electronics, semiconductors, at mga produktong agrikultural—ay may mahalagang papel sa pagpapanatili ng katatagan ng supply chain sa mismong Estados Unidos.
