Pormal nang inihain ng Special Panel of Investigators ng Office of the Ombudsman ngayong Biyernes, Hulyo 24, 2026, ang isang 104-page complaint para sa preliminary investigation laban kina dating House Speaker Martin Romualdez at dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Sa nasabing reklamo, pinararatangan ang dalawa na nagkuntsaba upang magpayaman at makakuha ng humigit-kumulang P56 bilyong ill-gotten wealth mula 2022 hanggang 2025 mula sa kontrobersyal na flood control projects na unang ibinunyag sa SONA noong 2025.
Inirekomenda ng panel ang mga kasong plunder, direct bribery, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa dalawa, bukod pa sa indirect bribery at money laundering laban kay Romualdez.
Inihayag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na isang “milestone” ang hakbang na ito matapos ang ilang buwang pag-iipon ng ebidensya, kabilang ang testimonya ng walong dating bagman ni Co na nagpatunay sa paghahatid ng mga maletang naglalaman ng pera.
BASAHIN:
Nilinaw naman ng Ombudsman, ang preliminary investigation ay hindi pa nangangahulugang guilty ang mga accused kundi proseso pa lamang upang tukuyin kung dapat na silang sampahan ng kaso sa korte. Samantala, sa pamamagitan ng kaniyang tagapagsalita na si Atty. Elaine Atienza, sinabi ni Romualdez na handa siyang harapin ang mga utos at umaasang manaig ang patas na paghuhusga batay sa ebidensya.
Unang nang pinalagan ng mambabatas mula sa Leyte ang imbestigasyon kung saan tinawag niyang ginagawa lamang siyang “fall-guy” at ginagamit si Zaldy Co upang bumuo ng mga gawa-gawang kuwento para sa interes ng ilang grupo sa politika.
