Screengrab mula sa video ni PCG spox Jay Tarriela /FB
Tatlong barko ng gobyerno ng Pilipinas ang muling hinaras at pinaputukan ng water cannon ng China Coast Guard (CCG) habang nagsasagawa ng resupply at ayuda mission sa Bajo de Masinloc ngayong Biyernes ng umaga, Hulyo 24, 2026.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), tinamaan ng malakas na presyur ng tubig ang barkong BRP Cape San Agustin ng PCG, pati na ang BRP Datu Paduhinog at BRP Datu Cabaylo ng BFAR habang naglalayag 10 hanggang 15 nautical miles mula sa shoal.
Bukod sa pambobomba ng tubig, gumawa rin ng mga delikadong maniobra ang may 12 barko ng CCG at tatlong Chinese Maritime Militia.
Isa sa mga barko ng militia ang nakitang naghila pa ng lubid may 100 metro sa unahan ng BRP Datu Sumakwel para magdulot ng panganib sa paglalayag.
BASAHIN: PBBM PINALAGAN ANG AI VIDEO NG TSINA NA GINAWANG UNGGOY ANG PILIPINO
Sa kabila ng pambabastos, siniguro ng PCG na ligtas ang lahat ng tauhan at naipahatid pa rin ang krudo at supply sa mga mangingisdang Pilipino sa lugar.
Mariing kinondena ng PCG ang ginawa ng Tsina at iginiit na ang Bajo de Masinloc ay bahagi ng teritoryo at Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas na kinilala ng 2016 Arbitral Award.
Ang insidente ay kasunod din ng naganap na panggigipit ng China sa Ayungin Shoal noong Hulyo 20 kung saan nasugatan ang ilang sundalong Pilipino matapos paluin ng baton, na nagdulot ng matinding tensyon at diplomatikong protesta sa gitna ng ginagawang ASEAN meetings sa bansa.
