Photo: DepEd
Pormal nang inilunsad ng Department of Education (DepEd) sa pamumuno ni Secretary Sonny Angara ang mabilisang pagkuha sa 10,000 School Counselor Associate I (SCA I) positions sa buong bansa.
Ang makasaysayang hakbang na ito ay bahagi ng pagpapatupad ng Republic Act No. 12080 o ang Basic Education Mental Health and Well-being Promotion Act upang tugunan ang matagal nang kakulangan sa mga tagapayo at gabay sa mental health ng mga mag-aaral.
Upang masigurong mabilis at walang bureaucratic delay ang aplikasyon, ipinag-utos ni Angara sa lahat ng Schools Division Offices (SDOs) na gamitin ang Agile Gateway for Appointments and Placements (AGAP) System—isang online platform ng DepEd para sa digital recruitment.
BASAHIN: DepEd, DA pinalakas Milk Feeding Program sa mga paaralan
Naglagay din ng mga help desk sa mga SDOs para sa mga walk-in applicant na nangangailangan ng tulong sa pag-upload ng kanilang mga dokumento.
Giit ni Angara, mahalaga ang role ng mga bagong School Counselor Associates dahil sila ang magiging kaagapay ng mga estudyante sa kanilang pang-araw-araw na psychosocial needs alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bukas ang posisyon sa mga graduate ng Psychology, Guidance and Counseling, o kaugnay na kurso na may Career Service Professional Eligibility, kung saan ipinangako rin ng DepEd ang malinaw na career progression para sa kanilang promosyon sa hinaharap.
