PATAY ang isang binatilyong may autism matapos ma-trap sa nasunog nilang tirahan Lunes ng umaga sa Valenzuela City.
Natagpuan ng mga bumbero ang walang buhay na katawan ng biktimang si alyas “John”, 16, sa unang palapag ng bahay sa Joaquin Santiago St. Brgy. Malanday matapos bumagsak ang ikalawang palapag kung saan na-trap ang biktima.
Lumabas sa imbestigasyon na nagsimula ang sunog pasado alas-8 ng umaga sa kusina na nasa ikalawang palapag ng bahay kung saan nadiskubre na may bukas na kalan na posibleng pinagmulan ng pagsiklab ng apoy.
Tinangka pa umanong hilahin ng dalawang nagbabantay na mga kapatid ang biktima palabas ng bahay nang magsimulang lumaki ang apoy subalit tumanggi umano ang binatilyo.
Umabot lamang sa unang alarma ang sunog bago tuluyang naapula makaraan ang halos isang oras.
Napagalaman na lagi umanong binibilhan ng lighter ng kanyang mga magulang ang biktima dahil nagsisilbi itong pampa-kalma kapag nakakakita ng apoy.
Inamin naman ng ina ng biktima na lumayas siya ng kanilang bahay bago pa mag-Bagong Taon matapos silang magkasamaan ng loob ng kanyang asawa kaya’t ang dalawa nilang anak ang nagbabantay sa nasawi kapag namasada na ang kanyang mister.
Hindi naman napigilan ng apat na pamilya pang nawalan din ng tirahan nang madamay sa sunog ang kanilang bahay na magbulalas ng sama ng loob sa ina ng biktima dahil sa ginawang pag-iwan sa mga anak at pagbibigay lagi ng lighter sa nasawi. (JUVY LUCERO)
