ARESTADO ang isang hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Sabado ng gabi.
Kinilala ni Valenzuerla Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) OIC chief P/Lt. Sherwin Dascil ang naarestong suspek na si alyas “Jim”, nasa hustong gulang.
Ayon kay Lt. Dascil, nakumpiska nila sa suspek ang humigi’t kumulang 15 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P102,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill, kasama ang pitong P1,000 boodle money at P150 recovered money.
Bago aniya ang pagkakaaresto nila sa suspek, unang nakatanggap sila ng ulat hinggil sa umano’y pagbebenta nito ng droga kaya ikinasa nila ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA.
Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga tauhan ni Lt. Dascil dakong alas-10 ng gabi sa Avocado St., Brgy. Mapulang Lupa.
Nakatakdang sampahan ng pulisya ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 11 at 5 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (JUVY LUCERO)
