SINILBIHAN ng arrest warrant sa loob ng selda ang isang electrician na kabilang sa mga naaresto sa operation ng pulisya nang mabistong wanted sa kasong panghahalay sa isang menor-de-edad na biktima sa Caloocan City.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang 29-anyos na akusado na residente ng Brgy, Nasucob, Bulalacao, Oriental Mindoro ay kabilang sa mga Most Wanted Person ng NPD.
Kasalukuyang nakakulong sa Custodial Facility Unit ng Caloocan CPS ang akusado nang kasamang maaresto sa isinagawang mga operation ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth sa lungsod.
BASAHIN: NPC, KINONDENA ANG PAMBABASTOS SA ISANG LADY REPORTER SA BACOLOD
Nang isagawa ng pulisya ang background investigation, natuklasan na may nakabimbing warrant of arrest ang electrician na inilabas nitong Mayo 18, 2026 ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 131, para sa kasong Statutory Rape.
Kaagad namang isinilbi ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Caloocan CPS sa electrician ang nasabing warrant sa loob mismo ng nasabing detention facility.
Walang piyansang inirekomenda ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ng akusado kaya mananatili muna siya sa nasabing piitan habang hinihintay ang commitment order ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Caloocan City Jail. (JUVY LUCERO)
