Mariing kinondena ng National Press Club of the Philippines (NPC) ang bastos at walang pakundangang mga pahayag sa ere laban sa isang babaeng reporter sa Bacolod City.
Sa isang opisyal na pahayag, binigyang-diin ng NPC na ang mga rape joke at sexist na komento ay walang puwang sa responsable at disenteng pamamahayag.
Paalala ng NPC, obligasyon ng bawat media practitioner na panatilihin ang propesyonalismo, respeto, at pagiging sensitibo sa bawat paggamit ng kalayaan sa pamamahayag (press freedom).
Kaugnay nito, nanawagan ang NPC sa mga broadcaster at mga kumpanya ng media na higit pang patatagin ang kanilang mga etikal na pamantayan, gender sensitivity, at pananagutan sa lahat ng uri ng komunikasyon at plataporma.
Nananatili namang tapat ang NPC sa pagtataguyod ng responsableng pamamahayag na gumagalang sa dignidad ng tao at nag-aangat sa integridad ng propesyon ng media sa bansa.
