Photo: PCO
Opisyal nang itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si dating senador Francis Tolentino bilang bagong kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE), ayon sa inanunsyo ng Malacañang ngayong Lunes, Mayo 25, 2026.
Sa isang news briefing, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na hahalili si Tolentino sa pwesto ni Bienvenido Laguesma na nagpasyang bumaba sa katungkulan dahil sa kanyang kondisyong pangkalusugan.
“Tiwala si Pangulong Marcos Jr. na mapamumunuan ni incoming Acting Secretary Tolentino ang DOLE dahil sa kanyang kakayahan at malawak na karanasan sa paghawak ng mahahalagang tungkulin sa pamahalaan, lokal o nasyonal,” pahayag ni Castro.
BASAHIN: NPC, KINONDENA ANG PAMBABASTOS SA ISANG LADY REPORTER SA BACOLOD
Ayon pa kay Castro, nakatakdang manumpa si Tolentino sa harap ng Pangulo ngayong hapon.
Si Tolentino ay tumakbo para sa kanyang reeleksyon sa ilalim ng Senate slate ng administrasyon noong nakaraang May 2025 elections ngunit hindi pinalad na manalo matapos lumanding sa ika-25 na pwesto.
Ang kanyang pagkaka-appoint ay naganap matapos mapaso noong Mayo 13 ang one-year appointment ban para sa mga kandidatong natalo sa nagdaang halalan.
Sa isang hiwalay na pahayag na inilabas sa opisyal na social media page ng DOLE matapos ang anunsyo ng Palasyo, kinumpirma ni Laguesma na nangangailangan ng kanyang “buong atensyon” ang kanyang kalusugan sa kasalukuyan.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamahalaan sa naging tapat at mahabang serbisyo ni Laguesma sa sektor ng paggawa.
