Pormal nang hiniling ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ngayong Lunes, Mayo 25, 2026, ang pagpapalabas ng precautionary hold departure order (PHDO) laban kay Senator Rodante Marcoleta at tatlong iba pang indibidwal.
Ang hakbang na ito ng anti-graft body ay nag-ugat sa mga kinakaharap na reklamo ng mga ito kaugnay ng plunder, indirect bribery, at paglabag sa Presidential Decree No. 46 (na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na tumanggap ng regalo mula sa mga pribadong indibidwal).
Nagsumite ang Ombudsman ng isang verified ex-parte application sa korte upang hilingin na pansamantalang pigilang makalabas ng bansa sina Marcoleta, dating Representative Mike Defensor, at sina Aristotle Viray at Joseph Espiritu habang gumugulong ang imbestigasyon.
Layunin ng PHDO na matiyak na hindi makatatakas o makaiiwas sa proseso ng batas ang mga inirereklamo habang sinusuri ng Ombudsman kung may sapat na batayan upang pormal silang kasuhan sa korte.
