Photo credit: Daddy Kix Road Pix/FB
Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang hindi pa nakikilalang rider habang tatlo pa ang sugatan na isinugod sa ospital matapos araruhin ng isang 10-wheeler truck ang siyam na sasakyan sa kahabaan ng Mayon Avenue, Barangay San Jose, nitong Lunes ng gabi, Mayo 25.
Ayon sa Rodriguez Municipal Police Station, pasado alas-8:00 ng gabi nang maganap ang aksidente.
Galing umano sa San Ildefonso, Bulacan ang truck na punong-puno ng kargang mga sako ng semento at magdedeliber sana sa lugar nang biglang mawalan ng preno habang lumulusong sa matarik at pababang kalsada.
Sa tindi ng bigat ng truck, hindi na ito nakontrol ng drayber.
Ayon kay PLt. Gerry Cordero, investigator ng Rodriguez Police, unang sinuyod ng truck ang kaliwang bahagi ng isang Toyota Avanza at isa pang Avanza.
Diretso nitong sinalpok ang likurang bahagi ng isang Toyota Fortuner at Toyota Vios.
Bago tuluyang huminto, nahagip pa ng truck ang kaliwang bahagi ng isang Modern Jeepney at sumalpok sa isa pang Modern Jeepney.
Dahil sa lakas ng impact mula sa truck, tumalsik ang Fortuner pasulong at sumalpok sa naunang motorsiklo.
Sa tindi ng pagbangga, naipit sa ilalim ng Fortuner ang motorsiklo.
BASAHIN: WANTED SA PANGGAGAHASA, SINILBIHAN NG WARRANT SA LOOB NG SELDA SA CALOOCAN
Ang Vios naman ay unang sumalpok sa isang tricycle, bago sumunod na nabangga ang isang Toyota Hiace Commuter, at tuluyang sumuwag sa harapan ng Modern Jeepney.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang rider ng motorsiklo. Swerte namang nakaligtas ngunit ginagamot ngayon dahil sa mga minor injury ang drayber ng tricycle at dalawang pasahero ng mini bus.
Todo-depensa naman ang drayber ng truck na nasa kustodiya na ngayon ng mga pulis.
Aniya, iniwasan lang niyang makasagasa ng mas marami nang mapansing wala na siyang preno pababa.
“Paggaling po roon sa taas, pagbaba ko sa gabi, bigla pong nawala ‘yung preno. Hindi po nag-overtake. Inilagan ko lang po… Hindi ko po inaasahan na ganoon po ang mangyayari,” katwiran ng drayber.
Muli namang nagbabala ang pulisya na talagang accident-prone area ang naturang pababang kalsada mula sa San Isidro.
“[M]insan naglagay na po kami dyan ng ano slowdown. Kahit yung nilagay namin dyan na markings po ay talagang binabangga din dahil mabibilis po ang takbo kaya ang ano namin sa mga motorista ay mag-ingat po,” ayon kay PLt. Cordero.
Kasalukuyang himas-rehas na sa Rodriguez MPS ang drayber ng truck na nahaharap ngayon sa patung-patong na kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Multiple Physical Injuries, and Damage to Property.
