DALAWANG indibidwal na wanted sa kasong Homicide at illegal na droga ang naaresto ng pulisya sa magkahiwalay na manhunt operation sa Malabon City.
Nabatid na nakapiit sa Custodial Facility Unit ng Malabon City Police Station ang 33-anyos na akusado na residente ng Brgy. Hulong Duhat nang maaresto ng pulisya sa hindi nabanggit na kaso.
Nang suriin ang kanyang record, napag-alaman ng mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Allan Umipig na may nakabinbing itong warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court Branch 293, Malabon City para sa kasong Homicide.
BASAHIN: (Sa Rodriguez, Rizal) RIDER PATAY, 3 SUGATAN SA KARAMBOLA NG 10 SASAKYAN
Kaagad isinilbi ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section sa akusado sa loob ng nasabing piitin ang nasabing warrant na may inirekomendang piyansa na P120,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Samantala, nakorner naman ng mga operatiba ng Northern Police District Special OperationsUnit (NPD-DSOU) sa operation sa nasabing ring lungsod ang 42-anyos na tricycle driver na residente ng Barangay Tañong at nakatala bilang Most Wanted Person sa Navotas City Police Station.
Ang akusado ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Section15, Article II ng R.A. 9165 na inisyu ng Regional Trial Court Branch 286, Navotas City para sa service of sentence.
Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili ang mga arresting team sa kanilang pagsisikap na nagresulta sa matagumpay na operation na bahagi aniya ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga wanted na indibidwal na pinaghahanap ng batas. (JUVY LUCERO)
