Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang proseso para bawiin ang lisensya ng hindi bababa sa isang daang baril na pagmamay-ari ng puganteng si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr., ngayong Martes, Mayo 26, isinagawa ang hakbang na ito kasunod ng inilabas na arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa senador.
“Dahil natanggap na natin ang warrant of arrest… kailangan nating tingnan ang lahat ng anggulo, at isa na rito ang mga armas. Ang prayoridad ngayon ng PNP ay ang pagproseso nito,” pahayag ni Nartatez.
Sinuportahan naman ito ni Justice Secretary Fredderick Vida, na nagsabing inaasahan niyang matatanggalan ng pribilehiyo sa baril si Dela Rosa sa lalong madaling panahon.
BASAHIN: PREVENTIVE HOLD DEPARTURE ORDER VS MARCOLETA AT DEFENSOR, HINILING SA SANDIGANBAYAN
“Mayroong arrest warrant, at ang pagmamay-ari ng lisensyadong baril ay hindi isang karapatan kundi isang pribilehiyo lamang. Sa anumang pagkakataon, hindi dapat malimitahan ang mga instrumento at mekanismo ng Republika,” ani Vida.
Bago ang pagbawi sa mga lisensya, binansagan na ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag si Dela Rosa bilang “armed and dangerous” o armado at mapanganib.
Si Dela Rosa, na nagsilbing hepe ng PNP sa rurok ng kampanya laban sa ilegal na droga, ay muling nagtago matapos ang isang tensyonadong standoff sa Senado.
Matagal siyang hindi nakikita sa publiko at bigla na lamang lumitaw kamakailan para bumoto sa pagpili kay Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate President, kapalit ni Tito Sotto.
Matapos nito, muli siyang naglaho.
Nanawagan naman si Secretary Vida kay Dela Rosa na sumuko na sa mga awtoridad, habang hinimok din ang publiko na magbahagi ng anumang impormasyon na makatutulong sa pagtukoy kung nasaan ang nagtatagong senador.
