Matagal nang bansag sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagiging isa sa pinaka-kurakot na ahensya ng gobyerno. Hindi ito dahil sa kakulangan ng mga batas, kundi dahil sa talamak na “bloated tax assessments” at ang lantarang panggigipit ng ilang revenue agents gamit ang kinatatakutang Letter of Authority (LOA).
Kaya naman, isang malaking ginhawa at hakbang sa tamang direksyon ang plano ni Revenue Commissioner Charlito Mendoza na limitahan sa isa na lamang ang LOA na ibibigay sa isang taxpayer bawat taxable year.
Sa kasalukuyang sistema, parang butas na bulsa ang taxpayers. Isang opisina ang maglalabas ng LOA ngayon, bukas ay iba naman. Ang resulta? Kalituhan at oportunidad para sa mga “unscrupulous agents” na gamitin ang kanilang kapangyarihan para mang-extort.
Sino ba naman ang hindi matatakot sa banta ng imbestigasyon? Maraming negosyante, tulad ng isang kakilala kong may-ari ng maliit na resort, ang napipilitang magbayad ng milyun-milyong piso sa ilalim ng mesa—ang sikat na 70/30 scheme—para lang “makawala” sa abala at huwag maipasara ang negosyo.
Nakakagulat na ayon mismo kay Mendoza, 2% hanggang 3% lamang ng kabuuang koleksyon ng BIR ang nanggagaling sa mga LOA. Kung ganito kaliit ang ambag nito sa kaban ng bayan, bakit hinahayaan nating maging instrumento ito ng dambuhalang korapsyon? Ang bilyun-bilyong pisong dapat ay napupunta sa mga proyekto ng gobyerno ay naglalaho lang sa bulsa ng mga tiwaling opisyal dahil sa paulit-ulit at nakakalitong audit system.
Sabi nga ng mga bubwit ng BERDUGO, ang planong “consolidated LOA framework” ay hindi lamang tungkol sa efficiency; ito ay tungkol sa check and balance.
Sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga opisina na pwedeng mag-isyu nito at pagkakaroon ng malinaw na “risk-based parameters,” mas mapoprotektahan ang mga tapat na taxpayers laban sa harassment. Mas madali ring mababantayan ng pamunuan ng BIR kung sino ang mga tauhan nilang umaabuso sa sistema.
Gayunpaman, hindi sapat ang bagong framework kung hindi ito sasabayan ng mabilis na aksyon. Ang target na koleksyon para sa 2026 ay nasa P3.58 trilyon—isang napakalaking hamon matapos silang sumablay sa target noong 2025. Kung seryoso ang BIR na makuha ang tiwala ng publiko at maabot ang kanilang goal, dapat nilang patunayan na ang repormang ito ay may pangil.
Ang pagbabayad ng tamang buwis ay obligasyon ng bawat Pilipino, pero obligasyon din ng gobyerno na siguraduhing hindi nananakawan ang mga nagbabayad nito. Ang “Isang LOA kada Taon” ay magandang simula. Panahon na para ang BIR ay maging katuwang ng mga negosyante sa paglago, hindi ang anay na umuubos sa kanilang pinaghirapan.
