Isang karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang 15-anyos na high school student matapos matagpuang pugot ang ulo at nakahandusay sa isang plantation ng tubo sa Barangay Dagat, nitong Huwebes, Enero 8.
Ang biktima, na itinago ang pangalan dahil sa pagiging menor de edad, ay dalawang araw nang nawawala bago ang madugong pagkakatuklas.
Huling nakitang buhay ang dalagita noong Enero 6 habang pauwi galing sa paaralan, ngunit hindi na ito nakarating sa kanilang bahay.
Ayon kay Police Major Joann Navarro, spokesperson ng Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10), sadyang brutal ang ginawa sa biktima.
“Adunay usa ka patay’ng lawas sa usa ka menor de edad nga iyang ulo is na-separate na sa iyang lawas,” kumpirma ni Navarro sa wikang Bisaya. (May isang bangkay ng isang menor de edad na ang ulo ay hiwalay na sa kaniyang katawan.)
Sa ngayon, isinasailalim na sa forensic examination ang labi ng dalaga upang mabatid kung hinalay muna ito bago pinatay nang walang awa.
Isang residente ang aksidenteng nakadiskubre sa bangkay sa gitna ng tubuhan na madalas daanan ng mga estudyante. Dahil sa insidente, binalot ng matinding takot ang mga magulang at mag-aaral sa Valencia City, lalo na ang mga nakatira sa malalayong lugar na naglalakad lang papasok sa eskwela.
Nanindigan naman ang Philippine National Police (PNP) sa Bukidnon na hindi sila titigil hangga’t hindi nahuhuli ang halimaw na nasa likod ng krimen. Inaaral na rin kung planado ang pagpatay at kung may iba pang sangkot sa insidente.
