Tahasang binira ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña si Senator Imee Marcos matapos magpahiwatig ang senadora na gagamitin umano ng Kamara ang tinatawag na “soft pork” allocations para isulong ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ngayong 2026.
Ayon kay Cendaña, mapanlinlang ang mga pahayag ni Marcos at tila pilit na inililhis ang atensyon ng publiko mula sa tunay na isyu: ang pananagutan ng Bise Presidente sa paggamit ng pondo ng bayan.
Binigyang-diin ng mambabatas na kung magkakaroon man ng impeachment move ngayong taon, ito ay hindi dahil sa politika o budget perks, kundi dahil sa mga seryosong alegasyon ng pang-aabuso sa kapangyarihan noong kalihim pa si Duterte ng Department of Education (DepEd) at hanggang sa kasalukuyan niyang posisyon.
“Huwag nating lituhin ang taumbayan. Ang usapin dito pang-aabuso sa kapangyarihan, ang usapin dito ‘yung nawawalang milyon-milyong piso doon sa intelligence at confidential funds na matapos ang isang taon ay hindi pa rin pinapaliwanag ng Bise Presidente,” pahayag ni Cendaña.
Hindi rin nakaligtas sa banat ni Cendaña ang tila pagiging “shield” ni Senator Marcos sa Bise Presidente. Kinuwestiyon niya ang papel na ginagampanan ng senadora sa gitna ng mga isyu ng transparency at accountability.
“Minsan nga dahil dito sa mga sinasabi ng senador, napapaisip tayo kung siya ba ay senador o presidente ng Sara Duterte fans club? Ano ‘yung kanyang trabaho, legislator ba o defender-in-chief?” hirit pa ng kinatawan ng Akbayan.
Nananatiling mainit ang usapin sa handle ni VP Duterte sa confidential at intelligence funds, na naging mitsa ng tensyon sa pagitan ng oposisyon at ng mga kaalyado ng mga Duterte. Para kay Cendaña, ang tungkulin ng mga mambabatas ay busisiin ang kapangyarihan at hindi protektahan ang mga personalidad.
Aniya, kung wala namang basehan ang mga alegasyon, dapat ay transparency ang maging tugon ng Bise Presidente sa halip na reframing ng isyu bilang pag-atake sa politika. Sa ngayon, nananatiling mailap ang malinaw na paliwanag sa publiko tungkol sa nasabing mga pondo.
