TINIYAK ni Senator Sherwin Gatchalian na makatatanggap ng malaking suporta ang sektor ng edukasyon ngayong taon matapos maglaan ng halos P9 bilyon sa ilalim ng 2026 national budget para sa pagpapalawak ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.
Ang naturang pondo ay bahagi ng istratehiya ng pamahalaan upang tugunan ang krisis sa pagkatuto at masigurong makakahabol ang mga mag-aaral na nahuhuli sa kanilang mga aralin.
Batay sa Middle of School Year Assessments ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), nagpakita na ng pag-unlad ang mga estudyante sa kanilang kakayahan sa pagbabasa (reading readiness).
Umakyat ng average na 5 puntos ang marka ang Grade 3 hanggang Grade 6, katumbas ng 3.42 milyong mag-aaral.
Habang Grade 7 hanggang Grade 10 ay nakapagtala ng pagtaas na 6 hanggang 9 na puntos, o katumbas ng 1.72 milyong mag-aaral.
Ayon kay Gatchalian, ang mga datos na ito ay patunay na unti-unti nang lumalapit ang mga bata sa tamang antas ng kahusayan sa pagbabasa para sa kanilang baitang.
Sa ilalim ng nakalaang PHP 8.96 bilyon na pondo, target ng ARAL Program na maabot ang mas malawak na bilang ng mga benepisyaryo para sa susunod na pasukan kung saan 6.7 milyong mag-aaral ang matutulungan.habang 440,000 tutors ang kukunin upang magsilbing gabay sa mga bata.
Bilang may-akda ng ARAL Program Act, binigyang-diin ni Gatchalian na ang pondong ito ay “makasaysayan” at isang mahalagang hakbang upang tuldukan ang matagal nang krisis sa edukasyon sa Pilipinas.
“Bahagi ng makasaysayang pondong inilaan natin para sa sektor ng edukasyon ngayong taon ang buong suporta para sa pagpapatupad ng ARAL Program,” pahayag ng senador nitong Linggo.
Inaasahan na sa pamamagitan ng programang ito, mas magiging mabilis ang pagbangon ng mga mag-aaral mula sa epekto ng pandemya at iba pang hamon sa sistema ng paaralan. (MINA PADERNA)
