Nanatiling nakabantay ang Philippine Red Cross sa ground upang tiyakin ang kaligtasan, kalusugan, at kapakanan ng ating mga deboto sa buong durasyon ng Nazareno 2026. (Photo: Philippine Red Cross)
Bagama’t naging mapayapa sa pangkalahatan, binalot ng dusa ang pagtatapos ng Traslacion 2026 matapos kumpirmahin ng Quiapo Church nitong Sabado, Enero 10, na apat ang nasawi habang mahigit isang libo ang isinugod sa mga medical station.
Sa tindi ng siksikan ng nasa siyam na milyong deboto, hindi kinaya ng katawan ng tatlong deboto at isang photojournalist ang pagod at init sa 31-oras na prusisyon ng Itim na Nazareno.
Kabilang sa mga binawian ng buhay ang tabloid photographer na si Itoh Son. Natagpuan siyang walang malay malapit sa Station 5 ng Manila Police District habang kumukuha ng mga larawan. Isinugod pa siya sa Ospital ng Maynila ngunit binawian ng buhay dahil sa heart attack.
Ayon kay Dr. Cynthia Versoza ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC), tatlong deboto rin ang nasawi sa kanilang ospital—isa ang inatake sa puso habang ang dalawa ay natagpuang walang malay sa gitna ng prusisyon at idineklarang dead-on-arrival.
Sa tindi ng “sea of humanity,” hindi naiwasan ang mga seryosong sugat. Ayon sa Department of Health (DOH), 1,019 ang nabigyan ng lunas, 390 ang nasugatan matapos maipit sa dambuhalang andas o mahulog mula rito at may mga deboto ring naputulan ng daliri sa paa matapos magulungan ng gulong ng karosa ng Nazareno.
Dahil umabot ng halos 31 oras ang prusisyon bago nakabalik sa simbahan, inamin ni Quiapo Church Rector Fr. Ramon Jade Licuanan na “overwhelmed” o lupaypay na rin ang mga doktor at nurse.
“Ang ating mga doktor ay hindi na rin kaya… dahil nga naman 24 hours mahigit na silang tinitingnan ang ating mga may sakit,” ani Fr. Licuanan sa gitna ng panawagang itigil muna ang ilang ritwal dahil sa rami ng mga seryosong isinusugod sa emergency.
Dahil sa taas ng bilang ng mga nasaktan ngayong taon, pinag-iisipan na ni Fr. Robert Arellano, spokesperson ng Nazareno 2026, na paikliin ang ruta ng prusisyon sa susunod na taon upang matiyak ang kaligtasan ng mga deboto.
Sa kabila ng mga biktima, itinuturing pa ring “peaceful” ng Philippine National Police (PNP) ang kaganapan dahil walang naganap na stampede o kaguluhan. (Arnold Pajaron Jr)
