MALUBHA ang 34-anyos na babae matapos pagtatagain ng bading na kapitbahay habang naglalakad ang biktima, kasama ang paslit na anak sa Malabon City, kahapon ng umaga.
Inoobserbahan ang biktimang si alyas “Sharmaine”, 34, sa Fatima Medical Center sa Valenzuela City sanhi ng mga tinamong tama ng taga sa batok at kamay matapos isugod ng kanyang mister.
Sa ulat ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission kay NPD Director P/BGen. Benliner Capili, naaresto naman ang suspek na si alyas “Melad”, 39, na kilala rin sa alyas “Eh Eh” alas-1:40 ng hapon sa Brgy. Potrero at nabawi rin sa kanya ang ginamit na 13-pulgadang itak na may bahid pa umano ng dugo.
Sa kuha ng CCTV sa lugar, naglalakad ang biktima at paslit na anak sa Doña Juana St. Brgy. Potrero alas-10:15 ng umaga nang sumulpot sa likuran ang suspek na armado ng itak at bigla na lang pinagtataga ang biktima sa leeg hanggang sa malugmok sa kalsada.
Personal umanong alitan ang dahilan ng suspek sa tangkang pagpatay sa biktima na nagpahayag pa na hindi niya pinagsisisihan ang ginawa at handa siyang panagutan ang kasong frustrated murder na isasampa ng pulisya laban sa kanya.
