“Dito lang ako!” Ito ang malinaw na deklarasyon ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes matapos muling matanong kung may plano ba siyang tumakbo sa eleksyon.
Sa isang YouTube interview nina Janno Gibbs at Bing Loyzaga, diretsahang sinabi ng aktor na wala siyang balak pasukin ang “arena” ng pulitika kahit pa napaka-active niya sa mga community service at pamumuno sa League of Filipino Actors (Aktor PH).
Ayon kay Dong, bagama’t bukal sa loob niya ang pagtulong sa disaster preparedness at sa mga kapwa aktor, mas gusto niyang gawin ito bilang isang pribadong mamamayan.
“Para sa akin, malinaw na ginagawa ko ito for the love of the community. Pero iba ang paraan ng pagpapakita ng service. I think being in that arena (politics) is something that I do not want,” ani Dingdong.
Dagdag pa niya, mas may kalayaan siyang kumilos ngayon at naniniwala siyang sapat na ang kinalalagyan niya sa kasalukuyan.
Hindi naman mapigilan ni Marian Rivera ang mag-flex sa kaniyang asawa. Todo-suporta ang Primetime Queen at sinabing nakaka-proud ang dedikasyon ni Dong sa pagtatatag ng Aktor PH para magtulungan ang mga nasa showbiz.
“Nakaka-proud na ito ‘yung kasama ko sa buhay. Sabi nga ni Dong, ‘tayo-tayo lang magtutulungan dito, walang iba,’” sey ni Marian.
Kamakailan lang ay nag-celebrate ang dalawa ng kanilang 11th wedding anniversary sa isang resort sa El Nido, Palawan kasama sina Zia at Sixto. Hinirang din silang “Most Influential Celebrities” sa 11th EdukCircle Awards.
Sa ngayon, hataw pa rin sa trabaho si Dong bilang host ng Family Feud, Amazing Earth, at The Voice Kids Philippines, habang abala na rin sa paghahanda para sa kaniyang upcoming series na Master Cutter. (MADS REYES)
