Opisyal nang idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang limang special non-working days sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa pagdiriwang ng mga lokal na festival at anibersaryo ngayong Enero at Pebrero 2026.
Sa pamamagitan ng mga proklamasyong nilagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto, unang idineklarang special non-working day ang Enero 8 sa bayan ng Calubian, Leyte para sa kanilang founding anniversary sa ilalim ng Proclamation 1124, na sinundan ng Enero 19 sa Pagadian City, Zamboanga del Sur para sa taunang Pasalamat Festival 2026 batay sa Proclamation 1123.
Kasama rin sa mga idineklarang holiday ang Enero 20 sa Lipa City, Batangas para sa pagdiriwang ng kanilang tanyag na Coffee Festival sa bisa ng Proclamation 1120, habang ang bayan naman ng Carigara sa Leyte ay bibigyan ng pagkakataong ipagdiwang ang kanilang ika-455 anibersaryo sa Enero 26 ayon sa Proclamation 1121.
Samantala, itinakda naman ng Proclamation 1125 ang Pebrero 23 bilang special non-working day sa Lungsod ng Baguio para sa paggunita ng Ibaloi Day.
Layunin ng mga proklamasyong ito na bigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan sa mga nabanggit na lugar na makilahok at makiisa sa kanilang mga tradisyon at kultura nang hindi naaantala ng trabaho o pasok sa paaralan.
