Balot ng pighati ang isang pamilya matapos madatnang wala nang buhay ang isang 19-anyos na dalaga sa loob mismo ng kanyang silid sa Brgy. Dalig, Antipolo City, gabi ng Biyernes.
Kinilala ang biktimang si Mishka, isang college student, na idineklarang dead-on-arrival sa Clinica Antipolo Hospital matapos magtamo ng tama ng bala sa katawan.
Base sa ulat ng Antipolo City Police Station, bandang alas-6:00 ng gabi noong Enero 9 nang madiskubre ng ama ng biktima na si Mark, 43, ang kalunos-lunos na sinapit ng anak.
Pagdating umano ng ama sa kanilang bahay sa #12 Atis Road, Nayong Silangan, napansin niyang naka-lock ang pinto ng kuwarto ni Mishka.
Gamit ang susi, binuksan niya ito at dito na tumambad ang duguang biktima na nakahandusay sa sahig.
Sa tabi ng dalaga, tumambad ang isang caliber 9mm pistol (Glock 17) na pagmamay-ari mismo ng kanyang ama.
Mabilis na isinugod ang dalaga sa ospital sa pag-asang maisasalba pa, ngunit alas-7:10 ng gabi ay pormal na siyang idineklarang pumanaw ni Dr. Reley Marie Pandy.
Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, walang senyales na may puwersahang pumasok sa bahay o walang nawalang mahahalagang kagamitan sa loob ng silid.
Narekober sa crime scene ang baril, 12 live bullets, at isang basyo ng bala.
Lumabas sa beripikasyon na ang ginamit na baril ay rehistrado sa ama ng biktima at may valid na lisensya hanggang 2033.
Sa kabila ng trahedya, nagpasya ang pamilya na huwag nang palalimin pa ang imbestigasyon at lumagda ng waiver bilang tanda na naniniwala silang walang naganap na foul play sa insidente. (ARNOLD PAJARON JR)
