Lumutang ang usapin na tuluyan nang naglaho ang “principled politics” sa bansa matapos masaksihan ang sunod-sunod na pagbaligtad at paglipat ng kampo ng mga politiko sa gitna ng matinding agawan sa kapangyarihan sa Senado para sa interes, paghihiganti, at pansariling interes.
Sa kasalukuyang bangayan sa mataas na kapulungan, nakuha ng dating grupong kung tawagin ay “SB-11” ang kalamangan matapos tumawid sa kabilang panig si Senator Francis “Chiz” Escudero, na nahaharap din sa isyu at naghahanap ng pagkakataon na mapawalang-sala.
Ayon sa mga ulat, si Escudero, na inakusahang tumanggap ng mga “commitment fee” para sa mga proyekto sa flood control, ay nagdamdam umano matapos hindi piliin ng kanyang mga kasamahan sa minority bloc para mamuno sa Senado noong naganap ang agawan sa pwesto noong Mayo 11. Sa halip, si Senator Alan Peter Cayetano ang naihalal bilang Senate President.
BASAHIN: Proposal na ‘power-sharing’ ni Cayetano, tablado kay Gatchalian
Sa paglala ng gulo sa Senado, nagpasya ang Cayetano bloc na lumiban sa mga plenary session, ngunit hindi ito nagtagal. Sa pagdalo ni Escudero sa sesyon, umabot sa 12 ang bilang ng mga senador na naroroon, na sapat na upang maabot ang constitutional majority para ideklara ang pagkakaroon ng quorum.
Dahil sa pagbasag na ito sa legislative deadlock, agad na nagpatupad ng balasahan sa liderato ang mga senador na naroroon, na nagresulta sa pagkakatanggal sa pwesto ng mga kakampi ng Cayetano bloc.
Unang inihalal ng bagong majority bloc si Senator Sherwin Garchalian bilang Senate President Pro Tempore, kapalit ni Senator Loren Legarda.
Dahil dito, si Gatchalian na muna ang tumatayong “Acting Senate President” na nagpapatakbo sa mga sesyon.
Dahil sa naging diskarte ni Escudero na sumama sa majority bloc na pinapaboran ng Malacañang, nagpahiwatig si Atty. Edward Chico na posibleng may dalawa pang senador mula sa minorya ang susunod na hihiram ng pwesto at lilipat ng kampo.
Sa kanyang hula, posibleng sumunod si Sen. Joel Villanueva, na katulad ni Escudero ay nahaharap din sa akusasyon ng pagtanggap ng mga commitment fee para naman sa mga flood control project sa lalawigan ng Bulacan.
Bukod kay Villanueva, binanggit din ni Chico ang pangalan ng naka-detain na si Sen. Jinggoy Estrada na posibleng sumapi sa paksyon ni Gatchalian na suportado ng administrasyon.
Ipinaliwanag ni Chico na kapag pumasok si Villanueva sa grupo ni Gatchalian, mawawalan na ng lakas ang minority bloc.
Sa ganitong sitwasyon, opisyal nang mapapatalsik si Cayetano sa pwesto sa pamamagitan ng 13 botong sang-ayon na siyang itinakda sa ilalim ng 1987 Constitution.
Sa programang “Usapang OFW” ng Daily Tribune, sinabi ni Chico na hindi na kailangan pang dumaan sa Korte Suprema ang isyung ito dahil sapat na ang mayorya ng 13 senador para bawiin ang liderato ng Senado mula kay Cayetano.
Kamakailan lang ay ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng isang pribadong mamamayan na humihiling na ideklarang balido ang sesyon noong Hunyo 3 dahil sa kawalan ng legal standing ng nagpetisyon, nang hindi naglalabas ng pinal na pasya ukol sa legalidad ng sesyon ng 12 senador.
Ayon pa kay Chico, dehado na si Cayetano dahil itinuturing na regular ang naganap na sesyon noong Hunyo 3 dahil ginawa ito sa opisyal na kapasidad ng mga mambabatas, at ang tanging paraan na lang ni Cayetano ay maghain ng sarili niyang kaso sa korte upang pasubalian ito.
Bagamat kasalukuyang nakabakasyon ang Senado (adjourned sine die), nagbabala si Chico na magkakagulo pagdating ng impeachment trial kung hindi malilinawan kung sino talaga ang dapat na tumayong presiding officer. Kung hindi kikilos si Cayetano ngayon, mas mahihirapan siyang lumaban dahil hawak ng grupo ni Gatchalian ang makinarya at suporta ng administrasyon.
Inihayag din ni Chico ang mga “dynamics” sa likod ng mga imbestigasyon ng Ombudsman kung saan kasalukuyang nasa preliminary investigation stage sina Escudero at Villanueva. Si Escudero ay itinuturong utak umano ng kickback scheme kasama si dating House Speaker Martin Romualdez, habang ang kasong plunder naman laban kay Villanueva ay sinasabing handa nang ihain sa korte.
Samantala, hinggil naman kay Sen. Jinggoy Estrada na naaresto noong Hunyo 1 dahil sa warrant ng Sandiganbayan para sa graft at plunder, ibinunyag ni Chico na may impormasyong nakarating sa kanya na sinabihan diumano si Estrada na huwag suportahan ang pagtakbo ni Sen. Loren Legarda bilang Senate President kapalit ng pag-usad o pagtalakay sa kanyang nakabinbing kaso.
Ito rin umano ang dahilan kung bakit magkakahiwalay ang panahon ng paghahain ng kaso laban sa mga mambabatas kahit na magkakasabay na isinumite ang mga ebidensya laban sa kanila.
