Mariing tinutulan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang panukala ni Senator Alan Peter Cayetano na magbitiw nang sabay-sabay sa puwesto ang lahat ng opisyal ng gobyerno, mula sa Pangulo hanggang sa mga miyembro ng Kongreso, na tinawag niyang “hindi makatotohanan at hindi makatarungan.”
“It cannot be an option. What do you do with those who are not guilty? What do you do with those who are newly-elected and have no bad records? Idadamay mo roon sa mga guilty?” ani Sotto sa isang panayam.
Binalaan din ni Sotto na ang ganitong hakbang ay maaaring magdulot ng political instability at kaguluhan sa bansa.
“It’s very far-fetched, as far as I’m concerned. We will be entering something like uncertainty and chaos in the political world kapag ganun,” dagdag pa niya.
Matatandaang iminungkahi ni Cayetano ang “collective resignation” at posibleng snap election bilang paraan umano para “i-reset” ang gobyerno at maibalik ang tiwala ng publiko.
Ngunit nanindigan si Sotto na ang tunay na reporma ay dapat isulong sa pamamagitan ng transparency, accountability, at good governance, at hindi sa pamamagitan ng sabayang pagbibitiw sa puwesto.
“Kung gusto nating maibalik ang tiwala ng taumbayan, ayusin natin ang sistema — hindi natin ito winawasak,” giit ng Senate President.
